Kakaimpulse-buy ko lang ng isang tatlong libong calculator. Yun LANG kasi ang available sa National Bookstore. Pinagisipan ko naman, mga sampung minuto. Kelangan ko kasi talaga ng matinong calculator, lalo na at exam ko pa bukas. Inisip ko, wala naman talaga ako sa market para sa isang calculator na nasa ganung price range. Pwede naman akong mangistorbo ng isang tao para hiraman ng calculator, pero naisip ko kelangan ko pa rin naman talaga. Kakailanganin ko din naman ng isa eventually, so bili nalang ako. Pero kung makahiram ako, may oras ako para suyurin ang scientific calculator market upang makahanap ng magandang produkto na competitive ang presyo. Pero maganda naman talaga yung tatlong libong calculator at malaki ang matutulong sa akin nung mga features nya. After a moderate level of thought, bumalik ako sa counter, hiningi yung calculator at nagbayad. Bagsak ng P2,980.00.
Pagkalabas ko hinabol ako ng isang batang lalaki na nagbebenta ng sampaguita. "Kuya bente pesos lang po. Pambaon ko lang bukas. Para makauwi na ako". Hindi ko sya pinansin sa loob ng sampung segundo. Sinarado ko ang pinto. Napaisip ako sandali. Sabi ko sa pinsan ko "nakakaguilty naman yon". Pero bago sya makapagsalita eh pinaatras na ako ng isang babae at isang lalake na mukhang nakauniporme pa na pang-eskwela. Nagbagsak ako ng limampiso para sa tulong nilang dalawa sa pagatras ko.
Anti-capitalist ako. Isa sa mga batikos sa kapitalismo ay ang di angkop na sweldo sa mga gawa. Sabi sa 'Communist Manifesto' nina Marx at Engels, ang isang tao ay kayang gumawa ng labor sa isang araw na ang katumbas na pera ay sobra-sobra pa sa kailangan nya para sa isang araw. Pero ganito talaga sa kapitalismo eh, hindi tama ang nabibigay na wage sa isang manggagawa. Essential ang ganun sa pagkapitalismo. Kelangan mababa ang wage para mura ang mga goods. Isipin mo kung gaano kahirap magpasibol ng kamatis at isipin mo kung magkano ang kamatis.
Pero sobrasobrang guilty ako sa kapitalismo na yan eh. Prenteng-prente ako ngayon dahil sa kapitalismo. Sinusubukan ko i-justify yung mga kapitalistang gawain ko: sa ganitong lagay namn ng kapitalismo eh hindi mabubuhay ang isang tao kung iiwasan mo ang bunga ng kapitalismo. Dapat hindi ka nagaaral. Magtatanim ka ng sarili mong kakainin. Gagawa ka ng sariling damit. Dapat hindi ka gumagamit ng pera. Imposible yon. At isa pa, sa Communist Manifesto uli, inevitable ang pagbagsak ng kapitalismo. Di kelangan pilitin ang pagbagsak ng kapitalismo, o pigilan ang pagusbong nito. It will occur naturally, at the right time.
Kahit kelan naman apprehensive ako magbigay ng limos. Apprehensive bumili ng kung ano man sa naglalako. Ewan ko ba. Siguro kasi labag sa batas ang magbigay ng limos. Pero mali ba na magbigay ng limos? Pero dun sa naglalako, hindi ba tama lang na bigyan sya ng premium kasi dagdag labor ang ginagawa nya? Palagi kong sinusubukan ijustify kung magbibigay ba ako ng limos o hindi. Kase ibibigay lang nila yung limos sa sindikato. Kasi ibibili lang nila ng drugs. Pero sino ba tayo para husgaan sila? Sige na, labag na sa batas ang magbigay limos. E paano dun sa nagbebenta ng sampaguita? Eh wala naman ako sa market para bumili ng sampaguita. It's easier to do nothing.
Ewan ko. Sa tingin ko pa rin dapat binili ko yung bente pesos na sampaguita. Para sana nakauwi na sya. Para sana may pambaon sya bukas. Wala sa isip ko, pero nagkaroon ng punto sa buhay ng tatay ko na nagbebenta din sya ng sampaguita sa kalye. At tingnan mo sya ngayon. Tingnan nyo ako ngayon. Ibili man nya ng droga yung bente pesos na dapat binigay ko sa kanya, at least masaya sya.
Si Thomas Malthus ang nagpauso nito eh. Ang solusyon nya sa mga 'impoverished populace na nagiging nuisance' ay bigyan sila ng moral restraint. Meron pa nga syang sinasabi tungkol sa abolition of poor laws na naghirap sa condition ng mga mahihirap pero pinababa naman ang poverty. Ambigat no.
Dapat ba natin pagbigyan ang mga namamalimos o bumili ng sampaguita dahil sa awa? Mas makakasama ba kung itotolerate natin sila? Kung bumili tayo ng sampaguita sa isang bata, hindi ba natin sinusuportahan ang child labor?
Nakakaradam pa rin ako ng guilt. Gusto kong gumawa ng bagay para naman mabawi ko yung ginawa ko sa bata.
No comments:
Post a Comment